Kalagayan ng Likas Yaman at Kapaligiran sa Isang Taon ni Aquino sa Malacanang

Sa isang taong pananatili sa Malacanang, bigo si Presidente Benigno Simeon Aquino III o P-Noy sa pagtupad ng kanyang pangako na maging kabaligtaran ng nakaraang administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo ang kanyang pamamahala. Nagtuloy-tuloy ang pagbagsak ng ekonomiya, paglala ng kahirapan at kawalan ng hustisya sa bansa. Walang pagbabago at nagpatuloy ang mga patakarang globalisasyon sa ating ekonomiya. Nananatiling sunod-sunuran ang administrasyon ni Aquino sa dikta ng mga imperyalistang bansa at mga dambuhalang korporasyon.

Hindi nakapagtataka na walang mahusay na ipinagbago ang kalagayan ng ating kapaligiran at likas-yaman sa isang taong panunungkulan ni P-Noy. Sa halip, higit pang tumindi at lumawak ang pagkasira ng kapaligiran at pagka-ubos ng ating likas-yaman. Agresibong ipinatupad ni P-Noy ang mga patakaran na mapangwasak sa kalikasan tulad ng Mining Act of 1995, Biofuels Act of 2007, JPEPA, Forestry Code of 1975, at US-RP Visiting Forces Agreement.

Pambobola at kasinungalingan ang pangako ni P-Noy sa kanyang administrasyon na ang kalikasan sa Pilipinas ay tunay na mapapangalagaan at maisasaayos. Ang mga sumusunod ay iilan lamang sa malalaking kasalanan ng administrasyon ni Aquino sa pagkasira ng kapaligiran at pagkasaid ng likas-yaman ng bansa:

Pagbebenta ng yamang mineral ng bansa

  • Ang mga lupaing nasasaklaw ng mga kasunduang mineral na karamihan ay pag-aari ng mga dayuhang korporasyon ay umaabot ng 1,151,514 ektarya. Inindorso o inaprubahan ng adminstrasyon ni Aquino ang 353 na aplikasyon sa pagmimina.
  • Lumaki ng 65% ang dayuhang kapital sa malakihang pagmimina mula nang umupo si P-Noy noong nakaaraang taon. Samantala, lumaki ng halos 40% ang halagang inilabas ng industriya sa pagmimina noong 2010 kumpara sa 2009. Target pa ng pamahalaan na magpapasok ng kapital na $1.4 bilyon ngayon taon at $17.35 bilyon hanggang 2016 sa industriya ng pagmimina.
  • Sa kabila ng malakas at malawak na panawagan, tinanggihan ni P-Noy ang panukala ng League of Municipalities of the Philippines na magkaroon ng moratorium sa malakihang pagmimina sa buong bansa. Pilit ding sinasalungat ng Malakanyang ang mga resolusyon at ordinansa ng 12 panlalawigang gobyerno na nagbabawal ng malakihang pagmimina sa kanilang mga probinsya.

Patuloy na pagkakalbo ng kagubatan

  • Sa kabila ng pagdedeklara ng Executive Order 23 (EO 23) o logging moratorium sa mga natitirang kagubatan, patuloy pa rin ang operasyon at pagpuputol ng puno ng mga malaking commercial loggers na nagtotroso sa Cagayan, Aurora, Quezon, Davao Del Norte, Compostela Valley at CARAGA Region.
  • Sa kasalukuyan, 1,422,190 ektarya ng kagubatan ang nasa ilalim ng iba’t ibang uri ng kasunduan sa pagtotroso.
  • Sinusuportahan ng administrasyon ni Aquino ang pagpapatupad ng Reduction of Emission from  Deforestation and Forest Degradation o REDD Plus na ang layunin umano ay ang pangangalaga ng ating kagubatan. Ngunit, isa itong paraan upang ipribatisa at gawing negosyo ang mga kagubatan na magdudulot ng malawakang pagpapalayas sa mga katutubo sa kanilang mga lupang ninuno. Magiging dahilan din ito ng pagkaubos ng ating mga natitirang kagubatan at palawakin ang mga plantasyon ng puno para sa troso.

Pagtutulak ng maruming planta ng karbon

  • Dalawang dambuhalang planta ng karbon na ang nagbukas sa administrasyon ni P-Noy – ang 164 megawatts (MW) PEDC Iloilo Coal Power Plant at ang 200MW 200 MW KSPC Cebu Coal Power Plant. Ang dalawang ito ay pagmamay-ari ng malalaking burgesya kumprador at mga dayuhang korporasyon mula sa Korea at Taiwan.
  • Hinayaan at inako ng administrasyon ni P-Noy ang Php6 Bilyon pagkaka-utang ng kumpanyang Hapon na TeaM Energy Corporation na nagmamay-ari ng Pagbilao Coal Plant. Gayundin, hinayaan na huwag magbayad ng buwis na umaabot ng Php25 milyon ang Aboitiz Company na magtatayo ng coal power plant sa Zambales at Davao City.
  • Sa kasalukuyan, mayroong 12 planta ng karbon na binabalak na itayo sa Manila City, Bataan, Batangas, Quezon, Isabela, Zambales, Davao City, Davao Del Sur, Saranganni, General Santos City at Zamboanga del Sur.

Pagbebenta ng mga pasilidad at yamang enerhiya

  • Bukod sa pagbebenta ng ating mga kagubatan at kabundukan sa mga dayuhang korporasyon, patuloy din ang pagpapahintulotng gobyerno sa mga dambuhalang korporasyon sa enerhiya na maghanap at kumuha ng likas-yamang enerhiya sa bansa.
  • Ang pinakamalaking kumpanya sa mundo na Exxon Mobil ay aktibong naghahanap ng langis at gas sa Sulu Sea. Gayundin ang mga dayuhang tulad ng Royal Dutch Shell, BHP Billiton, NorAsian Energy, at Nido Petroleum na pinahintulutan din na magsagawa ng eksplorasyon sa milyong-milyong ektarya ng dagat malapit sa Palawan.
  • Patuloy din ang pagbibigay ng permiso at kontrata sa mga dayuhan at pribadong korporasyon para sa pagkuha at paggamit ng mga mineral na karbon sa buong bansa. Walang hakbang na ginawa ang gobyerno ni Aquino na imbestighan ang matinding korapsyon na nagaganap sa operasyon na Malampaya Gas Project na pagmamay-ari ng mga dayuhang korporasyon na Royal Dutch Shell at Chevron US.
  • Sa ilalim ng Public Private Partnership o PPP ni Aquino, mas pinabibilis ang pagtatayo ng mga proyektong pribatisasyon tulad ng mga dambuhalang dam at bio-fuel plantations. Binabalak din ng gobyerno na sa ikalawang hati ng 2011 isasapribado ang 109MW Naga 1 at Naga 2 Coal Power Plants, 37MW Naga Diesel Power Plant, at 165MW Casecnan Hydroelectric Dam.

Patuloy na pamamaslang at kawalang ng hustisya sa mga tagapagtaguyod ng kalikasan

  • Mayroon nang pitong (7) tagapagtaguyod ng kalikasan ang pinaslang sa ilalim ni Aquino. Kabilang dito ang sikat na botanist na si Leonard Co, Palawan activist Dr. Gerry Ortega at lider ng mga maliliit na minero na si Santos Manrique.
  • Wala pa ding katarungan at pagresolba ng kaso sa 33 pagpatay, 2 pwersahang pagdukot at 2 bigong pagpatay sa mga tagapagtaguyod ng kalikasan sa ilalim ng administrasyon ni Gloria Macapagal Arroyo.
  • Patuloy ang pagdami ng mga kaso ng militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao sa mga komunidad na apektado ng mga proyekto ng pagmimina, coal power plants, dambuhalang dam, at commercial logging.

Walag pagbabago! Ito ang malinaw sa isang taon na pagka-upo sa kapangyarihan ni Noynoy Aquino. Aasahan na ang susunod na mga taon ng panunungkulan ni Aquino ay wala ding ipagkakaiba. Kung mayroon man, ito ang lalong paglala ng pagkasira at pagdumi ng kapaligiran, pagka-ubos ng likas-yaman, paglabag sa mga karapatang pantao, at paglubog sa kahirapan ng mamamayan.

Walang pinag-iba! Pareho ang katangian ni Noynoy Aquino at Gloria Arroyo bilang presidente ng Republika ng Pilipinas. Nanatiling pursigido sa pagtatanggol at pagtataguyod sa interes ng mga dayuhang kapitalista at lokal na naghaharing uri na sairin ang ating likas-yaman at pagsamantalahan ang ating mamamayan. Pananatilihin nito ang mga patakarang globalisasyon at pagkatuta nito sa mga imperyalistang bansa partikular ng Estados Unidos na siya ring ugat ng pagtindi ng pagkasira ng ating kalikasan.

Walang maasahan! Puputi ang uwak ngunit hindi pa rin magbabago ang mga anti-mamamayan at anti-kalikasang katangian, kalakaran, at patakaran ng administrasyon ni Aquino.

Sulong, kumilos at lumaban! Tanging ang patuloy na paparami at papalakas na pakikibaka ng mamamayan lamang ang tanging paraan upang maprotektahan, mapangalagaan, at maiayos ang kalikasan sa bansa laban sa pagsira at pandarambong ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri.

June 30, 2011
Kalikasan Peoples Network for the Environment